Kinumpirma ng Department of Justice na hawak na ng NBI ang mga nakalap na impormasyon ng Cabanatuan District Office nito mula sa mga testigo sa pagkamatay ng isang pasyenteng senior citizen na tinanggihan ng anim na ospital sa Nueva Ecija.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, April 24 pa natanggap na nila ang progress report ng NBI sa kaso ng pagkamatay ng 65-anyos na si Ladislao Cabiling na una tinanggihan ng anim na pagamutan sa Cabanatuan Nueva Ecija dahil daw sa kawalan ng intensive care unit rooms.
Sa kwento ng anak ni lolo Ladislao na si Girlie Cabling-Cabaoan, gabi noong April 9 nang mahirapang huminga ang kanilang ama na may hika kaya agad nilang isinugod sa iba’t ibang public at private hospital para sana maipagamot.
Pero hindi sila tinanggap ng anim na pinuntahang ospital hanggang sa bawian na ito na buhay sa kanilang bahay.
Sinabi ni Sec. Guevarra, bukod sa mga testimonya ng mga testigo, hawak na rin ng NBI ang CCTV footages at ang written explanation ng mga inirereklamong ospital.
Isinasailalim na sa pag-aaral ang kaso ng NBI legal and evaluation division para matukoy kung maaari nang kasuhan ang mga inirereklamong ospital.