Hinikayat ni House Speaker Martin Romualdez ang iba’t ibang law enforcement agencies na gamitin ang mga nakalap na ebidensya ng House Committee on Agriculture and Food upang kasuhan at tuluyang mabuwag ang onion cartel sa bansa.
Umaasa si Romualdez na papangunahan ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Competition Commission (PCC) at Department of Agriculture (DA) ang pagtutulungan para mabura na ang kartel ng sibuyas sa bansa at maibsan ang perwisyong dulot nito sa mamamayan.
Apela ito ni Romualdez sa mga awtoridad makaraang ilahad ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang ugnayan ng mga kompanya at indibidwal na sangkot sa kartel na pinapatakbo umano ng “sibuyas queen” na si Leah Cruz.
Ayon kay Quimbo, hawak sa leeg ng kompanya ni Cruz na PhilVIEVA ang buong supplay chain ng sibuyas mula sa farming hanggang sa pagbebenta kaya namanipula nito ang suplay at presyo.
Pinuri din ni Romualdez ang pagpupursige ni Quezon Rep. Mark Enverga na chair ng komite, na matukoy ang puno’t dulo ng biglang pagtaas sa presyo ng sibuyas na umabot pa sa 700 pesos kada kilo noong nakaraang taon.