
Wala nang mangyayaring unboxing sa Mataas na Kapulungan ng mga dokumento at computer ni dating Assistant District Engineer Brice Hernandez.
Ayon kay Senate President pro-tempore Ping Lacson, tumawag si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kay Senate President Tito Sotto III kahapon dahil nagdesisyon ang abogado ni Hernandez na sa Department of Justice (DOJ) na lamang i-turn over ang computer na naglalaman ng mga ebidensya.
Nagbago umano ang isip ng abogado ni Hernandez nang unang magpasya na isuko ang computer sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Dahil dito, nagpasya si Lacson na ibigay na rin sa DOJ ang mga folders ng dokumento na hinakot ni Hernandez noong Sabado sa bahay nito sa Bulacan at naunang sinabing ibigay sa Senate Blue Ribbon Committee.
Maging ang mga nakalap na ebidensya ukol sa ghost at substandard flood control projects at sa mga sangkot dito na naging laman ng kaniyang privilege speech ay itinurn-over niya sa DOJ.
Nauna na ring ibinahagi ni Lacson ang mga ebidensya sa ICI at kay DPWH Secretary Vince Dizon para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.









