Manila, Philippines – Umaabot sa 92-million pesos ang tara o suhol sa mga kolektor at opisyal ng Bureau of Customs na naibigay ng broker na si Mark Taguba simula noong August 2016.
Ayon din kay Taguba, minsan ay nadodoble ang tara o yaong tinatawag na Special Stop, dahil kahit nakapagbigay na siya ay haharangin uli ang kanyang shipment para muli siyang hingan ng tara.
Sa pagharap ni Taguba sa ika-10 pagdinig ng Blue Ribbon Committee ukol sa mga anomalya sa Bureau of Customs ay ipinakita ni Taguba sa pamamagitan ng isang Power Point presentation ang mga text messages sa kanya, call logs at bank statement na nagpapatunay ng pagkolekta ng tara sa kanya ng mga taga-BOC.
Kasama sa mga tanggapan sa BOC na inaabutan ni Taguba ng tara ay ang Import Assessment Services (IAS), Intelligence Group (IG), Formal Entry Division, Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Assessment and Operational Coordinating Group (AOCG), X-ray section at iba pang kolektor.
Pinakita rin ni Taguba ang mga text messages at record ng tawag sa kanya nina Customs Intelligence Officer Joel Pinawin, Jojo Bacud, Gerry na kolektor umano ng IG, Jake Collector ng Port of Manila, Tita Nani, Luigi at Mae.
May ipinakita pang matrix si Taguba kung saan siya ang nasa itaas at nasa ibaiba niya ang mga kumukolekta ng tara sa kanya.
Kabilang dito sina Jojo Bacud, Tita Nani, Noel, Major Telan at Milo Maestrecampo.