May mga hinihinging dokumento ang Department of Justice o DOJ, Office of the Ombudsman at Department of Interior and Local Government o DILG mula sa Senate Committee on Justice and Human Rights at Senate Blue Ribbon committee.
Ito ay ang mga testimonya at mga dokumento kaugnay sa isinagawang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na drug raid sa Pampanga noong November 2013 kung saan sangkot ang 13 umano’y ninja cops at si dating Philippine National Police Chief Gen Oscar Albayalde.
Kasama sa mga ebidensyang ito ang transcript ng mga pagdinig kasama ang mga testimonya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagsiwalat sa mga anumalya sa nasabing drug raid.
Kabilang din dito ang testimonya ng mga retiradong police officials na naghayag ng mga naging hakbang ni Albayalde para hindi masipa sa serbisyo ang 13 tauhan na sinasaing ninja cops.
Para patas ay isusumute din ng Senado ang testimonya ni Albayalde at ng mga nagtanggol sa kanya.
Lumabas sa pagdinig ng Senado na sa nabanggit na drug raid ay nirecycle umano ng mga ninja cops ang malaking bahagi ng 200 kilong shabu na kanilang nasabat, pinalaya din umano ang drug lord na kanilang nahuli kapalit ng 50-million pesos at pati sasakyan nito ay kanilang kinuha at ibinenta.