Binigyang-diin ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na patuloy ngayong kumakapal ang mga ebidensya na maaaring gamitin ng International Criminal Court (ICC) sa mga kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mensahe ito ni Manuel makaraang akuin ni Duterte sa pagdinig ng Senado ang buong responsibilidad sa libu-libong kaso ng extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng war on drugs na kaniyang ipinatupad mula 2016 hanggang 2022.
Tinukoy rin ni Manuel ang sinabi ni Duterte na inutusan nito ang mga pulis na hikayatin ang mga drug suspek na manlaban para magkaroon ng rason na patayin nila ang mga ito.
Malinaw para kay Manuel tila naghuhukay na ang dating pangulo ng sarili nitong libingan lalo pa’t inamin nito ang pagkakaroon ng ‘death squad’.