Mga economic managers, hinamong mamuhay sa minimum wage at ₱200 na buwanang ayuda

Hinamon ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang mga economic managers na subukang mamuhay sa minimum wage at ang kakarampot na P200 monthly subsidy.

Kasabay ng hamon ang pagbatikos ng mambabatas sa aniya’y walang awa at walang puso na pagtugon sa paghihirap ng mga Pilipino na lalo pang nabibigatan sa epekto ng napakataas na presyo ng langis pati na mga bilihin.

Sinabi ni Zarate na napakadali lamang sa mga economic managers na tanggihan ang panawagan na suspindihin ang excise tax sa langis dahil hindi ramdam ng mga ito ang paghihirap ng mga ordinaryong consumers.


Aniya, sa halip na isuspindi muna ang excise tax sa langis ng anim na buwan ay mas gusto pa ng gobyerno na magbigay ng token o kakarampot na ₱200 na ayuda kada buwan para sa bawat mahihirap na pamilya.

Nakakainsulto aniya ito dahil kung susuriin, ang P200 na buwanang ayuda ay papatak lang ng P6.66 kada araw sa bawat pamilya o P1.33 kada araw sa kada tao.

Bukod sa malaking insulto ay wala rin itong silbi para sa mga mamamayan na nahihirapan sa mga bayarin ng buwis at mataas na presyo ng mga bilihin.

Facebook Comments