Hinimok ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang mga economic managers na maging bukas sa pagbibigay ng dagdag na relief o ayuda sa mga Pilipinong apektado ng pandemya bunsod na rin ng patuloy pa na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Salceda, nauunawaan niya ang pag-iingat ng pamahalaan pagdating sa economic relief ngunit mahalagang ikunsidera na rin ng mga economic managers na maging bukas sa pagbibigay ng dagdag na ayuda sa gitna ng krisis.
Hinihikayat ng kongresista ang mga economic managers na magbigay ng numero o bilang na kanilang makakaya at maaaring pagkasunduan sa halip na patuloy na ibasura ang mga panukala ng Kamara.
Tinukoy pa ng mambabatas na ang patuloy rin na pagbaba sa kumpyansa ng mga consumers at negosyo ay magpapabagal sa pagbangon ng bansa.
Ang kada-quarter din na pagtaas sa unemployment mula 3.8 million noong 2020 sa 4 million na ngayong Enero 2021 ay nagpapakita na ang economic relief ay kailangang kailangan talaga ng mga kababayan.
Kasabay ng pagtaaas ng kaso ng COVID-19, pinababantayan at pinare-regulate rin ni Salceda sa Department of Health (DOH) ang medical billing sa mga private hospitals upang hindi abusuhin ng mga pribadong pagamutan ang mga pasyente na hindi na maseserbisyuhan ng mga pampublikong ospital.