Mga economic managers ng gobyerno, pinapabilisan sa mga mambabatas ang mga bagong polisiya sa usapin ng pagpapaunlad ng negosyo sa bansa

Manila, Philippines – Umaapela ang mga economic managers ng Duterte administration sa Kongreso na ipasa na ang mga panukalang batas na makakatulong para i-angat ang pagnenegosyo sa Pilipinas.

Sa isang press conference sa Makati City, sinabi ni NEDA Secretary Ernesto Pernia na bumabagal ang pag-unlad ng ekonomiya dahil sa mga lumang sistema at patakaran lalo na sa Local Government Units.

Katunayan sa datos ng World Bank Ease of Doing Business o EODB report ngayong October 2017, bumagsak sa rank 113 ang Pilipinas mula sa dating 99.


Bumagal raw kasi ang kumpetisyon at halos napag-iiwanan na ang Pilipinas dahil sa kawalan ng sapat na batas na magpapabilis sa pagnenegosyo.

Ilan sa mga panukalang isinusulong ng mga economic managers ang panukalang amyenda sa Local Government Code para maipursige ang One Stop Shop sa pagkuha ng business permit.

Bukod pa rito, ang amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas, Anti-Red Tape Bill, Unified National ID System at Retail Trade Liberalization Act na sinertipikahan nang urgent sa nakaraang LEDAC meeting.

Samantala, iginiit naman ng mga economic managers ng gobyerno na sa kabila ng pagbaba ng ranking ng pilipinas sa nasabing EODB, marami ng naging pagbabago sa pagbibigay serbisyo ng gobyerno sa sektor ng pagnenegosyo.

Mula sa mga electronic system ng pag-aaplay ng negosyo, pati na rin sa mga polisiya ng pagpapabilis na ng pagkuha ng business permit sa bansa.

Facebook Comments