Pinaghahanda ng ilang mga mambabatas ang ating mga economic managers mula sa epekto ng mabagal na pagbangon at kawalang kakayahang makapagbayad ng utang ng mga dambuhalang real estate developer ng China.
Babala ng ekonomista na si Albay Rep. Joey Salceda, mahalagang mapaghandaan ito ng gobyerno upang maprotektahan ang bansa sa anumang posibilidad ng “spillover effect” nito.
Naniniwala si Salceda na mukhang malayo namang matulad ang bansa sa China ngunit mainam na rin na mapaghandaan ito upang hindi mahawa ang Pilipinas sa epekto ng pagkabaon sa utang ng China.
Bagama’t ginagawan na aniya ng paraan ng China na mabawasan ang pangamba, kailangan pa ring maging alerto lalo’t ang mga malalaking korporasyon at negosyo ng bansa ay may exposure o kaya naman ay kabilang sa mga malalaking Chinese real estate market.
Ang pinakamalaking property developer ng China na Evergrande ay may utang na aabot sa $300 billion na yumanig sa buong global markets.