Pasado ang markang nakuha ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa usapin sa West Philippine Sea.
Sa interview ng RMN Manila, mula sa sampung na pinakamataas, binigyan ni University of the Philippine Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Prof. Jay Batongbacal ng pito na marka ang administrasyong Duterte, habang siyam naman ang ibinigay ni Security Analyst Rommel Banlaoi.
Ayon kay Batongbacal, pito ang ibinigay niyang marka dahil ngayong taon lamang iginiit ng Pilipinas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.
Ngayong ika-limang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte, umaasa ang Maritime Expert na patuloy na maninindigan at hindi na lilihis ang administrasyon sa pagkapanalo ng bansa laban sa China sa claims nito sa West Philippine Sea.
Para naman sa security analyst na si Prof. Rommel Banlaoi, naniniwala siyang dapat isulong ni Pangulong Duterte sa natitira nitong dalawang taon ang kapakanan ng mga Pilipino kumpara sa ibang bansa.