Nagbabala ang mga eksperto sa publiko laban sa paglaganap ng mga spam text message na nag-aalok ng mga trabahong may mataas na suweldo o nag-aanunsyo ng mga nanalo sa raffle.
Ayon kay Art Samaniego, isang technology expert, kalimitan sa mga ito ay scammer at malaki ang posibilidad na tinatarget nitong makuha ang password at personal na detalye ng taong pinadalhan ng mensahe.
Karaniwan itong naglalaman ng isang link na humihingi ng pangunahing impormasyon ng receiver tulad ng pangalan, address, petsa ng kapanganakan, e-mail address, password, at minsan, mga detalye ng bangko.
Ang mensahe ay madalas na pumapatungkol sa resulta ng raffle, e-sabong, job offers, online games, paglalagay ng solar lights at iba pa.
Kaugnay nito ay pinayuhan naman ng National Telecommunications Committee (NTC) ang publiko na huwag i-entertain ang mga naturang mensahe lalo na kung malayo sa katotohanan ang inaalok nitong serbisyo.