Binalaan ni Committee on Energy Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang mga electric cooperatives laban sa paggastos at pagsali sa mga aktibidad na may kaugnayan sa eleksyon.
Pahayag ito ni Gatchalian makaraang ireklamo ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. o NASECORE ang ilang electric cooperative ng pagbibigay ng kontribusyon sa mga tumatakbong kandidato at party-list groups.
paalala ni Gatchalian, ang nabanggit na hakbang ng electric coopeatives ay paglabag sa mga probisyong nakapaloob sa Omnibus Election Code.
Diin ni Gatchalian, ang salaping ibinabayad ng mga consumers ng electric cooperatives ay dapat gamitin sa pagpapabuti ng kanilang serbisyo at hindi sa kampanya ng mga kandidato.
Paliwanag ni Gatchalian, ang mga electric cooperatives ay non-profit at may prangkisa mula sa gobyerno dahil tagapagbigay ito ng serbisyo sa publiko at hindi sa mga pulitiko.