Mga embahada ng Pilipinas sa Amerika at Mexico, naka-alerto kasunod ng pananalasa ng hurricane Irma

Manila, Philippines – Nasa mataas na alerto ngayon ang mga embahada ng Pilipinas sa Washington at Mexico upang agad na makasaklolo sa mga Pilipinong nasa Estados Unidos at Caribbean na posibleng masalanta ng hurricane Irma.

Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, kailangang makasiguro na mabilis na matutulungan ang mga Pilipinong maaapektuhan ng malakas at mapanirang bagyo.

Inatasan na ng kalihim si Chargé d’Affaires Patrick Chuasoto ng Philippine embassy sa Washington DC at Ambassador Eduardo De Vega ng embahada ng Pilipinas sa Mexico na agad magpakilos ng mga grupong mag-momonitor sa mga apektadong lugar para alamin kung may mga Pilipinong mangangailangan ng tulong.


Ipinatitiyak na rin ni Cayetano kay Foreign Affairs undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola na may pondong magagamit bilang ayuda sa mga masasalanta ng kalamidad.

Sa ngayon, sinabi ni Cayetano na wala pa silang natatanggap na ulat patungkol sa sitwasyon ng mga Pilipino sa mga lugar na hinagupit ng hurricane Irma.

Nababahala ang DFA sa mga Pilipinong nasa Turks at Caicos Islands na aabot sa mahigit dalawang-libo at tatlong daan kung saan mayroong banta na magkaroon ng storm surge na may alon na hanggang dalawampung talampakan.

Kung hindi magbabago ng direksyon ng hurricane Irma, posibleng mag-landfall ito sa Florida kung saan may mahigit sa isandaan at limampung libong populasyon dito ng mga Pinoy.

Facebook Comments