
Pinapatiyak ni Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando na hindi madedehado ang mga manggagawa sakaling matuloy ang pagpapatupad ng 4-day work week.
Panawagan ito ni San Fernando kaugnay sa ginagawang pag-aaral ng administrasyon sa pagpapatupad ng 4-day work week bilang paraan ng pagtitipid sa harap ng pagtaas sa presyo ng langis dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Naiintindihan ni San Fernando ang krisis sa langis at ang pangangailangang magtipid sa enerhiya pero giit nya ang 4-day work week ay hindi dapat maging dahilan para bawasan ang sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay San Fernando, ang apat na araw na pasok ng mga empleyado ay dapat may buong sweldo pa rin para sa walong oras na trabaho at may overtime pay sa sobrang oras.
Kasabay nito ay hinikayat din ni San Fernando sa gobyerno at pribadong sektor na gamitin ang umiiral na batas para makatipid sa enerhiya tulad ng Telecommuting Act kung saan maaring magpatupad ng work-from-home at iba pang flexible arrangements sa trabaho.










