Hindi magdadalawang-isip ang Commission on Election (Comelec) na kasuhan nito ang sariling mga empleyado na mabibigo na ma-liquidate ang natitirang mga cash advance na umaabot sa ₱700 million.
Ayon kay Atty. John Rex Laudiangco, Spokesman ng Comelec, inatasan na ng Komisyon ang kanilang mga empleyado na tapusin na ang liquidation sa lalong madaling panahon.
Matatandaan na umabot sa mahigit dalawang bilyong piso ang sinita ng Commission on Audit na umano’y mga cash advances na hindi pa na-liquidate ng Comelec sa nakaraang 2022 Presidential Election.
Pero sabi ni Laudiangco, nasa ₱700 million na lamang ang hindi pa naaayos na liquidation kaya’t kung hindi pa rin daw maayos ng kanilang mga empleyado, mismong Comelec na ang magsasampa ng kaso laban sa kanila.
Matatandaan na iginiit ng Comelec na kinailangan ang cash advances noong nakaraang taon upang pampa-sweldo sa mga guro na nagsilbi bilang mga election board of canvassers, bayad sa venue ng mga training, at iba pa.