Manila, Philippines – Tiwala ang Department of Agrarian Reform Employees Association (DAREA) na hindi sasapitin ni Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano ang nangyari kina dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo at DENR Secretary Gina Lopez na hindi nakumpirma ng Commission on Appointments.
Anila, bilang namumuno sa Department of Agrarian Reform at bahagi ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagawa na nito ang mahahalagang gawain may kinalaman sa mandato ng ahensiya tulad ng implementasyon ng Agrarian Reform Program na pinakikinabangan na ng mga magsasaka.
Kaugnay nito lalo pang pinalakas ng DAREA at iba’t ibang farmers group ang panawagan na dapat katigan na ng CA ang kumpirmasyon ni Mariano.
Sa panig ni Secretary Mariano hindi naman siya nag-aalala at panatag ang kanyang kalooban dahil 12 sa mga miyembro ng CA ay may alam sa kanyang paninindigan lalo na sa isyu ng mga magsasaka at gawaing pambayan.
Naniniwala din ito na buo ang suporta ni Pangulong Duterte sa kanyang panunungkulan sa ahensya.