Kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina Pangandaman na ang mga kwalipikadong empleyado ng gobyerno ay makatatanggap ng kanilang mid-year bonus simula bukas, May 15, 2024.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ni Pangandaman ang mga ahensiya at tanggapan ng pamahalaan na agad na ilabas ang nasabing bonus sa mga empleyado base sa patakaran at regulasyon.
Ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay ng mga kwalipikadong kawani ng gobyerno
Makakatanggap nito ang mga kawani na nagtrabaho ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.
Ang empelyado ay dapat na nasa serbisyo pa rin ng gobyerno mula Mayo 15 ng kasalukuyang taon at dapat ay nakatanggap ng hindi bababa sa satisfactory performance rating sa pinakahuling rating period, o naaangkop na panahon ng performance appraisal.
Ang alokasyon naman ng mid-year bonus para sa mga kawani sa mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at barangay ay itatalaga ng kanilang mga sanggunian, na napapailalim sa mga kondisyon ng patakaran para sa layunin sa ilalim ng DBM Budget Circular No. 2017-2.
Bukod dito, ang pondo para sa pagkakaloob ng mid-year bonus ay kumpletong inilabas sa mga kinauukulang ahensya sa simula ng fiscal year kung kaya’t ang pagbibigay ng nasabing benepisyo sa mga kwalipikadong kawani ay nasa hurisdiksyon na ng mga kinauukulang ahensya.