Nagbabala ang Bureau of Immigration sa mga tauhan nito at sa mga indibidwal na may regular na transakyon sa Kawanihan na lalabag sa health at safety protocols ng pamahalaan kontra COVID-19.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, may mga natanggap silang ulat na may mga liason officer ng mga accredited travel agencies ang makailang ulit nang lumalabag sa ipinatutupad na health protocols at hindi dumadaan sa disinfection chamber sa main office ng Immigration sa Intramuros, Maynila.
Sinabi ni Morente na mayroon ding mga kawani mismo ng Immigration at mga job order personnel ang hindi na sumusunod sa pagsusuot ng face masks at face shield bukod pa sa hindi sumusunod sa physical distancing.
Inaprubahan na rin ni Morente ang rekomendasyon ng kanilang Administrative Division na ipagbawal muna sa loob ng dalawang linggo ang pagpasok ng mga travel agent at law office representatives sa main building kung walang naka-schedule na online appointment.
Nagbanta ang opisyal na kakasuhan ng administratibo ang sinumang mahuhuling lumalabag sa health at safety protocols partikular ang insubordination at paglabag sa kanilang rules and regulations.
Habang papatawan ng dalawang linggong suspensyon ang mga job order personnel ng BI na lalabag protocols.