Mga Empleyado ng LTFRB Central Office na tinamaan ng COVID-19 umabot na sa 20; punong-tanggapan sa QC, sarado pa rin sa publiko

Nilinaw ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mula sa 14 na bilang noong Miyerkules, nasa 20 manggagawa na ng LTFRB Central Office ang nagpo-positibo sa COVID-19.

Sa abisong inilabas ng LTFRB, sarado at hindi na muna tatanggap ng kahit na anong transaksyon sa publiko ang kanilang punong tanggapan sa East Avenue, Quezon City maging sa LTFRB National Capital Region o LTFRB-NCR Office hanggang katapusan ng Agosto.

Ito ayon sa ahensya ay dahil sa limitadong kapasidad at pagsasailalim sa malawakang disinfection ng kanilang mga opisina.


Magbubukas na sana sa publiko ang LTFRB Headquarter ngayong araw matapos isara noong August 18 pero nagdesisyon na ang ahensya na ituloy hanggang 31 dahil sa pagdagdag ng anim pang nagpositibo sa virus.

Gayunpaman, patuloy naman ang pagbibigay ng serbisyo ng LTFRB sa pamamagitan ng kanilang Public Transport Online Processing System at 24/7 Public Assistance Desk Hotline 1342.

Facebook Comments