Mga employer, hinikayat ng DOLE na magbigay ng incentives sa mga manggagawang papasok pa rin kahit masama ang panahon

Naglabas ng advisory ang Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong umaga kaugnay sa suspensyon ng trabaho sa pribadong sektor.

Epekto pa rin ito ng masamang panahon na nagdulot ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Ayon sa DOLE, desisyon ng employers kung magsususpinde sila o hindi ng pasok sa private sector.


Sa kabila nito, muling iginiit ng kagawaran na hindi pwedeng maparusahan o bigyan ng sanction ang mga kawani na bigong makapasok sa trabaho dahil sa panganib na dulot ng masamang panahon.

Pagdating naman sa sahod, magiging no work, no pay ang sistema sakaling mabigong pumasok ang empleyado dahil sa masamang panahon o maaari namang gamitin ang leave credits.

Sakaling bigong makumpleto ang walong oras na trabaho pero hindi naman bababa sa anim na oras, sinabi ng DOLE na entitled pa rin ang mga manggagawa sa full regular pay.

Inirekomenda naman ng DOLE sa employers na magbigay ng dagdag incentives o benepisyo sa mga manggagawang papasok pa rin kahit sobrang sama ng panahon.

Facebook Comments