Oobligahin ng mga public at private employer ang kanilang mga empleyado na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque base sa pinakahuling desisyon ng Inter-Agency Task Force o IATF.
Partikular aniya rito ang mga on-site personnel.
Ayon kay Roque, magiging requirement ito partikular na sa mga lugar na may sapat namang suplay ng COVID-19 vaccines.
Samantala, naglatag naman ng kondisyon ang IATF para sa mga empleyado na ayaw pa ring magpabakuna.
Hindi aniya sila tatanggalin sa kanilang trabaho pero kailangan nilang sumailalim sa regular na swab o antigen test mula sa sarili nilang mga bulsa.
Magiging epektibo ang nabanggit na kautusan simula Disyembre 1, 2021.
Sa sektor naman ng mga pampublikong transportasyon, kailangan ding i-require ng kanilang mga pamunuan na fully vaccinated ang mga manggagawa nila bilang kondisyon sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon.
Para naman sa mga pampubliko at pribadong establisyemento, pwede nilang tanggihan ang pagpasok o tanggihang bigyan ng serbisyo ang mga indibidwal na hindi pa bakunado, o partially vaccinated lamang.
Hindi naman kasali rito ang nasa frontline at emergency services, kahit ano pa ang kanilang vaccination status para makapagpatuloy sila ng pagbibigay serbisyo sa publiko.