Nagpa-alala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na hindi o walang balak ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado bago ang Kapaskuhan.
Sa inilabas na guidelines ng DOLE, may hanggang December 24, 2024 ang employees para ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa.
Hindi anila makakalusot ang hindi magbibigay dahil mahigpit ang gagawing pagbabantay ng DOLE Regional, Field o Provincial Office na nakakasakop sa establisyemento.
Wala raw dapat maging dahilan upang hindi ito maibigay at hindi rin papayagan ang request o application for exemption sa pagbabayad ng 13th month pay.
Saklaw ng 13th month pay ang rank-and-file employees sa pribadong sektor anuman ang posisyon, designation, employment status at anuman din ang paraan ng pagpapasahod sa kanila basta’t nagtrabaho ang mga ito nang hindi bababa sa isang buwan ngayong taon.
Ayon pa sa DOLE, ang minimum na ibibigay na 13th month pay ay hindi dapat bababa sa one-twelfth ng total basic salary ng manggagawa na kikitain nito sa loob ng isang taon.
Kailangang magsumite ng Employers ng kanilang report sa DOLE Establishment Report System bago o hanggang sa January 15, 2025.