Mga employer na inisyuhan ng show-cause order, binigyan lamang ng 15 araw na mag-comply upang hindi makasuhan

Nagsagawa ng “Run After Contribution Evaders Activity” o RACE activity ang Social Security System sa iba’t ibang establisyemento sa Pasig City ngayong araw.

Ito’y para paalalahanan ang mga employer na hindi nagbabayad ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado.

Binigyan ng SSS ng show-cause order ang mga kompanya na contribution evader at ipaalala na kailangang bayaran ang kontribution para sa kanilang mga empleyado.


Aabot sa 13 establisyemento na may 2 large account sa lungsod ang target i-operate ng SSS ngayong araw.

Sinabi ni SSS Executive Vice President Voltaire Agas na ang manggagawa ang lubos na maaapektuhan kapag hindi nahulugan ng kanilang employer ang SSS contribution.

Dito kasi nakabase ang kanilang benepisyong makukuha tulad ng pension, maternity benefits loan, at iba pa.

Paliwanag niya, marami sa mga establisyemento ang kinakatwiran na nakalimot sila sa paghuhulog habang ang iba naman ay nahirapan maghulog dahil sa pandemya.

Bibigyan ng 15 araw ang mga kompanya na binigyan ng show-cause order at sakaling hindi nila ma-settle ang kanilang obiligasyon ay sasampahan sila ng kaso sa Prosecutor’s Office.

Sa kabuuan, aabot na sa 73 RACE operations ang nagawa ng SSS sa buong bansa.

Facebook Comments