
Hinihikayat ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng establisyemento na sumunod sa Labor Advisory No. 15 na nilagdaan ni Secretary Bienvenido Laguesma nitong nakalipas na buwan.
Ang patakarang ito ay layong palakasin ang kahandaan ng mga lugar ng trabaho at protektahan ang mga manggagawa sa mga sitwasyong naglalagay sa kanila sa panganib.
Ang Labor Advisory ay bahagi ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na bigyang-prayoridad ang kapakanan ng mga trabahador, lalo na sa mga kalamidad na maaaring makaapekto sa ligtas at maayos na pagtatrabaho.
Kasama sa mga rekomendasyon ang paggamit ng personal protective equipment (PPE), pagbuo ng mga evacuation protocol, at paglalagay ng mga engineering safeguard upang matiyak ang proteksyon ng mga pasilidad at manggagawa.
Bukod dito, pinayuhan din ang mga employer na isuspinde ang trabaho kung may malinaw na panganib, at magtakda na lamang ng flexible work arrangements kung kinakailangan.
Mananatili ang prinsipyo ng no work, no pay kapag nagsuspindi ng trabaho, maliban na lamang kung may kasunduan ukol dito sa ilalim ng Collective Bargaining Agreement (CBA) o patakaran ng kumpanya.
Ang paalala ng DOLE ay inilabas kasabay ng mga bagyong tumama sa bansa at iba pang kalamidad, kung saan maraming empleyado ang naapektuhan.









