
Binalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na opisyal na “ume-epal” sa pamimigay ng ayuda ng pamahalaan.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na kakasuhan ng administratibo ang mga local government executive na mapapatunayang sumisingit o nagpapakita sa distribusyon ng ayuda, na maaaring humantong sa suspensyon.
Maaari ring i-refer sa Office of the Ombudsman ang mga paulit-ulit na lalabag para sa mas mabigat na imbestigasyon at posibleng kaso.
Ayon kay Remulla, malinaw na nakapaloob ang anti-epal provision sa 2026 national budget, kaya may sapat na legal na batayan upang papanagutin ang mga lalabag.
Kaugnay nito, hinimok ng kalihim ang publiko na isumbong ang mga lokal na opisyal na lalabag sa anti-epal rule, kabilang ang pagpo-post sa social media, dahil mino-monitor aniya ito ng DILG at agad na inaaksyunan.
Pinag-aaralan din ng DILG ang paggamit ng “Isumbong sa Pangulo” website sa antas ng ahensya upang mas mapadali ang pagsusumite ng reklamo ng publiko.
Nauna nang sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na agad ihihinto ang pamimigay ng ayuda sakaling may sumulpot na halal na opisyal sa lugar ng distribusyon.









