Maaaring mag-apply ang pamunuan ng mga eskwelahang nasa COVID-19 low risk areas para sa limited face-to-face classes.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, pwedeng ipadala ng school officials ang kanilang request sa regional directors ng DepEd sa kanilang lugar.
Sinabi ng kalihim na alam ng school officials at regional directors ang sitwasyon ng COVID-19 sa kanilang lugar at kapasidad ng mga paaralan.
Ang hiling ng school officials ay dadaan sa approval ng regional directors at sasailalim sa review ng DepEd.
Ipinunto ng DepEd na ang application para sa face-to-face classes ay nakadepende sa assessment ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Ang mga kwalipikadong eskwelahan ay dapat mayroong sumusunod na requirements:
- Ang lokasyon ng paaralan ay idineklarang low risk area ng IATF
- Nasa standard physical condition ang mga silid-aralan at ang laki nito ay dapat angkop para sa social distancing
- Mahigpit na minimum health standards ang dapat ipatupad
- Ang mga lokal na pamahalaan ay handang sumuporta sa anumang pangangailangan para sa limited face-to-face classes.
Sakaling magkaroon ng ‘surge’ o biglaang pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa kalagitnaan ng school year, handa ang DepEd na sumunod sa IATF na magpatupad ng shutdown.