Ipinag-utos ni Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran ang pagpapasara ng mga establisyementong lumalabag sa rules ng community quarantine.
Ayon kay Taduran, nakarating sa kanyang tanggapan ang mga sumbong na ilang casino at pasugalan sa Metro Manila ang palihim na nag-o-operate ng VIP o private rooms para sa kanilang mga parokyano sa kabila ng mahigpit na pagbabawal dito ng pamahalaan sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Natanggap niya ang reklamo mula sa pamilya ng 80 taon na senior citizen na nakakatakas sa kanilang tahanan kasama ang mga kaibigan para magpunta sa casino.
Nababahala ang kongresista dahil karamihan ng mga kliyente ay matatanda at humahawak ang mga ito ng chips, cards at slot machines na hindi alintana na mahawa ng COVID-19.
Sinita ni Taduran ang mga gambling establishments na hindi naman magpupunta ang mga customers kung talagang sarado sila.
Hiniling ng lady solon ang agad na pagpapasara sa mga establisyimentong lumalabag sa quarantine guidelines at hindi pa pinapayagang magbukas sa ilalim ng GCQ.