Nagkakasakit na ang ilang mga estudyante at guro dahil sa matinding init ng panahon.
Ito ang inihayag ni Teachers Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas sa interview ng RMN Manila makaraang makapagtala kahapon ang grupo ng ilang insidente na may kinalaman sa matinding init ng panahon.
Ayon kay Basas, may natanggap silang report na tumaas ang blood pressure ng mga guro dahil sa matinding init, may mga estudyanteng dumugo ang ilong at tinamaan ng diarrhea at nahimatay.
Sinabi ni Basas na bagama’t may ginagawa nang alternatibong paraan ang mga guro at mga paaralan para maibsan ang epekto ng matinding init ng panahon, ang pagbabalik aniya sa old school calendar na June to March ang pinakamainam na paraan pa rin upang maiwasan ang mga ganitong problema.
Una nang sinabi ng Alliance of Concerned Teachers na batay sa kanilang survey, 77-percent ng mga public school teacher sa National Capital Region ang hindi na matiis ang sobrang init sa loob ng classroom.
Paliwanag ni ACT National Chairperson Vladimer Quetua, hindi na kasi akma ang mga silid aralan sa dami ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan.