Mga estudyante, hinihimok na kumuha ng nursing o kursong medisina sa kolehiyo

Hinihikayat ngayon ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang mga magkokolehiyo na kumuha ng kursong nursing o medisina.

Ayon kay Herrera, pagkatapos ng krisis sa COVID-19 ay tiyak na kailangan ng Pilipinas ng dagdag na mga doktor at nurse para mapalakas ang health care system sa bansa.

Sa panghihimok ng kongresista, naniniwala ito na mapupunan ng mga kabataan ang kakapusan sa health care professionals.


Naniniwala si Herrera na mas magiging epektibo ang pagtugon ng bansa sa anumang banta ng pandemic sa hinaharap kung magiging malakas ang health care system.

Ipinunto ng kongresista na bago pa man tumama ang COVID-19 pandemic ay kulang na ang health professionals sa bansa dahil sa mas magandang oportunidad sa abroad.

Base sa datos ng Philippine Medical Association, sa kabuuan ay mayroong 130,000 lisensyadong doktor ang bansa pero nasa 70,000 lamang ang aktibo dahil marami sa mga ito ang mas piniling maging nurse at magtrabaho sa ibang bansa.

Facebook Comments