Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na nasa 570 students ang naihatid ng ahensya sa pamamagitan ng Hatid Estudyante para Makabalik sa Probinsya Program.
Batay sa tala ng DOTr, mula sa nasabing bilang, 11 mga estudyante ay inihatid sa Nueva Ecija at 16 sa Cagayan de Oro.
Sa CARAGA Region naman ay nasa 543, kung saan sa Agusan del Norte, 66; Butuan City, 78; Agusan del Sur, 148; Dinagat Island, 32; Surigao del Norte, 106; at Surigao del Sur, 113.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, sumailalim muna ang mga estudyante sa 14-day mandatory quarantine bago sila pinayagang umuwi sa kani-kanilang tahanan.
Aniya, ang nasabing programa ay pinangungunahan ng Office of the President at DOTr, kung saan katuwang nito ang Philippine Ports Authority (PPA) at iba pang ahensiya tulad ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pahayag pa ng kalihim na layunin ng programa na ihatid sa kani-kanilang mga probinsya ang mga estudyanteng nag-aaral sa lungsod na hindi makauwi matapos ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Nagpapatuloy aniya hanggang ngayon ang Hatid Estudyante para Makabalik sa Probinsya Program ng gobyerno.