Mga estudyante, natuwa sa ipinamahaging libreng Tablets ng Pasig City Government

Naniniwala ang pamunuan ng Pasig City Government na malaking tulong ang P1.3 bilyong na kontrata upang magkaroon ng libreng tablet ang mga estudyante na ipinamahagi nila nang libre makaraang matapos na ang pre-bidding conference ng mga gadget na gagamitin ng mga estudyante sa pampublikong paaralan para sa distance learning modality.

Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, ikinatuwa niya na wala nang nag-protesta sa bidding para sa tablets o gadgets ng mga mag-aaral ng pampublikong paaralan ng lungsod.

Paliwanag ng alkalde, marahil nakita ng lahat na ang kanilang proseso sa bidding ay transparent at mahigpit nilang sinusunod ang procurement laws.


Matatandaan na dalawang beses nabasura ng Technical Working Group (TWG) ang motion for reconsideration ng lowest bidder na RedDot Imaging Philippines kung kaya’t naantala ang pag-award sa nasabing bilyon-pisong proyekto ng lungsod na pakikinabangan ng mga estudyante ng Pasig City.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Pasig City na ang nanalong bidder ay may magandang track record pagdating sa paghahatid ng produkto na may magandang kalidad at pinakamababang presyo.

Pinuri din ni Sotto ang Bids and Awards Committee, Bidding Secretariat at ang TWG para sa pagtitiyak ng tagumpay ng bidding procedures.

Matatandaan na dahil sa COVID-19 pandemic, hindi pinahihintulutan ang face-to-face classes kung kaya’t ang distance learning modality ang gagamitin kung saan nakatakdang magbukas ang klase sa Oktubre 5, 2020 para sa School Year 2020-2021.

Facebook Comments