Pinag-aaralan ni Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang pagbalangkas ng panukalang batas na magkakaloob sa bawat mag-aaral sa bansa ng laptop at internet.
Ang hakbang ni Gatchalian ay makaraang mabatid sa resulta ng Program for International Student Assessment (PISA) na mas natututo ang mga estudyante na may gadgets at internet.
Base sa survey ng Department of Education (DepEd), 6.2 million ng mga estudyante sa bansa ang nakakagamit ng smartphones, kulang-kulang isang milyon ang may tablets, 1.5 million ang may laptop o desktop at 3.6 million ang may internet connection.
Ngayong may pandemya ay umaabot sa 25 milyon ang K-12 students sa buong bansa naka-enroll sa online classes sa pribado at pampublikong paaralan.
Karamihan sa mga ito ay nakadepende lang sa printed Self-Learning Modules (SLMs) dahil sa kawalan o limitadong access sa internet.