Pinabibigyang prayoridad ni Senator Pia Cayetano ang mga estudyanteng handang magsilbi at manatili sa bansa para sa mga mabibigyan ng scholarship para sa health at medical courses.
Ito ay matapos lumabas sa pagdinig ng Senado na sa kabila ng sapat na bilang ng mga lisensyadong healthcare workers gaya ng mga nurses ay kulang ang bilang ng mga nagsisilbi sa bansa dahil marami sa mga ito ay sa ibang bansa na nagtatrabaho.
Sa pagdinig, iginiit ni Cayetano na hindi makatarungan para sa mga mamamayang Pilipino na matapos pag-aralin ng estado ang mga scholars ng mga health courses ay mas pinipili ng mga ito na mag-abroad.
Paglilinaw ng senadora na hindi niya pinipigilan ang karapatan ng mga nagtapos ng health courses na mangibang bansa ngunit nais matiyak ni Cayetano na ang mga makikinabang sa scholarship ay sa bayan uunahing magsilbi.
Para maging patas ay pinababalangkas din ng mambabatas ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno ng paraan para mapaganda ang working environment at maitaas ang sahod ng mga doktor, nurse, midwife, physical therapists at maging occupational therapists sa bansa.
Sa datos ng Department of Health (DOH), aabot sa P3.5 billion ang gastusin ng mga State Universities and Colleges para sa training, reintegration, salaries and benefits ng mga mag-aaral sa health at medical mula 2020 hanggang 2024.