Walang arestuhang magaganap sa mga menor de edad o estudyante na mahuhuling gumagamit ng vape o naninigarilyo sa mga non-smoking areas.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Col. Red Maranan, kasunod ng direktiba ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., sa mga pulis, higpitan ang pagpapatupad ng Republic Act 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.
Ayon kay Maranan, pagsasabihan lamang ng mga pulis ang mga estudyanteng mahuhuling lumalabag sa naturang batas kung saan kakausapin din nila ang mga magulang at opisyal ng paaralan.
Kukumpiskahin din ng mga pulis ang vape ng mga mahuhuli.
Ipinaalala din ni Col. Maranan, may mga umiiral na ordinansa na nagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo at vapes sa loob ng 100 metro mula sa mga paaralan.
Kaugnay nito, inatasan ang mga local commanders na makipagtulungan sa mga LGU sa pag-iinspeksyon ng mga establisamyentong malapit sa mga paaralan.