Pinatitiyak ni Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera sa mga ahensya ng gobyerno at sa mga lokal na pamahalaan na ligtas ang mga tao sa mga evacuation centers ngayong tag-ulan na sa bansa.
Giit ni Herrera, malaking hamon ngayong pandemya ang kaligtasan at pagsunod sa health at safety protocols sa mga evacuation centers.
Kaya naman habang maaga pa ay pinakikilos na ng kongresista ang mga ahensya at Local Government Unit (LGU) na maghanap ng bakanteng lupa na paglalagyan ng temporary shelter facilities.
Mainam aniya na may ibang lugar upang maiwasan ang pagsisiksikan sa mga evacuation center at masigurong hindi magkakahawaan ng sakit ang mga evacuee.
Ipinalilinis na rin sa mga LGU ang mga ilog, estero at iba pang water ways na nagiging sanhi ng mabilis na pagtaas ng baha.
Dapat din na maalam na ang mga lokal na pamahalaan sa mga notices at warnings ng mga dams upang maiwasan na ang nangyari noong 2020 na Bagyong Ulysses kung saan nagpakawala ng tubig ang Magat dam na nagpalubog sa ilang probinsya sa Luzon at ilang lungsod sa Metro Manila.