Mga evacuees sa Surigao del Norte, umaapela na ng tulong na pagkain at tubig

Umaapela ngayon ng pagkain at tubig ang mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Odette sa Surigao del Norte.

Nabatid na kulang na kulang ang tulong na dumarating sa probinsya kumpara sa dami ng mga evacuees.

Halimbawa rito ang isinagawang feeding program sa mga evacuation center kung saan sa 20,000 evacuees ay 2,000 lamang ang napakain na karamihan ay mga bata at buntis.


Nagrarasyon din ng tubig ang mga truck ng bumbero pero maging ang stock ng tubig sa kanilang water tanker ay kulang na kulang din.

Samantala, mahaba na rin ang pila sa mga bilihan ng tubig at gasolina kung saan nagpapatupad na ng buying limit para mapagbilhan ang lahat ng nangangailangan.

Ang problema, sa kabila ng pinaiiral na price freeze, sobra ang iminahal ng presyo ng mga bilihin.

Kabilang rito ang bottled water na ang karaniwang tag-P10, mabibili ngayon sa halagang P50 kada 100 ml at gasolina na pumalo na sa P100 kada litro.

Facebook Comments