Mga ‘existing hospital’ sa bansa, inirekomenda ng Senado sa DMW na maglagay ng ‘wing’ para sa mga OFWs

Inirekomenda ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na gamitin ang mga ‘existing hospital’ sa bansa para sa medikal na pangangailangan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at kanilang mga beneficiary.

Sa budget hearing ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Senado, mula sa P250 million na budget request para sa pagtatatag ng mga OFW hospital, P13 million lang ang halagang inaprubahan ng budget department.

Ayon kay OFW Hospital Head Dr. Jose Dante Dator, mangangailangan sila ng P500 million para sa 102 beds at maitaas sa level 2 hospital na may level 3 laboratory ang OFW hospital.


Pero dahil sa maliit na pondo para sa OFW hospital, inirekomenda ni Pimentel na gamitin ang mga ospital na mayroon ang bansa at maglagay na muna ng ‘wing’ dito para sa mga OFW.

Iminungkahi naman ni Senator JV Ejercito na alamin ang mga lugar na may pinakamaraming OFWs at sa mga ospital doon magtayo ng OFW wing.

Sinabi naman ni Migrant Workers Secretary Susan Toots Ople, binigyang direktiba na ni Pangulong Bongbong Marcos ang DMW at Department of Health (DOH) na talakayin ang posibilidad ng paggamit at paglalagay ng OFW wings sa iba’t ibang ospital sa bansa.

Facebook Comments