Ipinasisilip ni Deputy Speaker at CIBAC Partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva ang mga napaulat na ‘expired’ at ‘nearly expired’ na mga gamot at sobra-sobrang medical supplies na nakaimbak lamang sa mga warehouse ng Department of Health (DOH).
Sa House Resolution 1732 na inihain ng kongresista, nais nitong paimbestigahan ang katotohanan sa likod ng problema at para matukoy kung mayroon talagang anomalya.
Nababahala ang mambabatas na kung patuloy lamang na matetengga ang mga gamot ay hindi lamang nasasayang ang pondo ng gobyerno kundi apektado rin ang kalidad ng healthcare services sa mga Pilipino.
Batay sa Commission on Audit (COA) noong October 2020, aabot sa ₱2 billion na halaga ng mga overstock na gamot ang hindi naipamahagi hanggang sa na-expire na lamang mula sa mga bodega ng DOH noong 2019.
Nauna namang ipinaliwanag ng DOH na tuloy-tuloy naman ang distribusyon ng mga ‘nearly expired’ at overstocked na mga gamot.