Maluwag pa rin ang daloy ng mga sasakyan sa lahat ng expressway papasok at palabas ng Metro Manila.
Ayon kay Julius Corpuz, Spokesperson ng Toll Regulatory Board (TRB), mamayang tanghali hanggang bukas ng hapon pa nila inaasahang dadagsa ang mga motorista.
Aniya, karaniwang tumataas ng sampu hanggang labinlimang porsiyento ang volume ng mga sasakyan sa mga expressway pero posible aniyang mas marami ang babiyahe ngayon sa harap na rin ng mas maluwag ng pandemic restrictions.
Bukod sa mga tauhang ipinakalat ng pamunuan ng mga expressway, nag-deploy rin ang TRB ng road safety teams na aalalay sa mga motorista.
Una nang itinigil ang lahat ng road works sa North Luzon Expressway at Subic-Clark-Tarlac Expressway maliban sa mga emergency repairs upang hindi makaabala sa daloy ng mga sasakyan.