Nanawagan ang isang makakalikasang grupo sa gobyerno na ihinto na ang paggamit ng face shield sa gitna ng nararanasang pandemya.
Ginawa ng grupong Earth Island Institute (EII) ang pahayag kasabay ng isinagawa nitong clean up sa “freedom island” o mas kilala sa tawag na Las Pinas-Paranaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) sa Manila Bay.
Ayon kay Trixie Concepcion, tagapagsalita ng grupo, maraming face shield at face mask ang nakahalo sa mga nakokolekta nilang basura.
Batay sa datos ng grupo, nasa 3.4-B na tonelada ng single used face mask at face shield ang nakokolekta kada araw sa buong mundo mula nang magsimula ang pandemya.
Aniya, tanging sa Pilipinas lang nire-require ang pagsusuot ng face shield at dahil nasa 110 milyon ang populasyon ng Pilipinas, ganito rin kadami ang basurang banta sa coastal waters.
Mas mainam aniya na ang mga hospital personnel na lang ang gumamit ng face shield.