Mga Facebook account na gamit sa pagbebenta ng malalaswang video at litrato ng mga estudyante, isiniwalat ni Senator Hontiveros

Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros ang Facebook groups account na “Redroom” at “Blueroom” na parehong nagbebenta online ng mga malalaswang video at litrato ng mga estudyante kapalit ng perang pantustos sa kanilang pag-aaral.

Base sa informant ni Hontiveros, mayroon ng 7,000 miyembro ang Redroom at 20,000 naman ang Blueroom.

Nakatanggap din ng sumbong si Hontiveros ukol sa Facebook group na “Role Player World” (RPW) na binubuo ng mga teenager na gumagamit ng dummy account para magbenta ng nude videos o nakikipag-video chat kapalit ng pera para sa pag-aaral, habang ang iba ay trip lang.


Dahil dito ay iginiit ni Hontiveros sa social media networks na maging proactive at unahin ang kapakanan ng ating kabataan, hindi ang kanilang kita.

Pinagsabihan naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang mga social media site na umaksyon ng kusa at huwag nang hintayin ang sumbong o reklamo ng netizens.

Diin ni Pangilinan, dapat paghusayin ng social media networks ang pag-detect at agad na pag-take down o pag-alis sa mga account at content na umaabuso sa mga babae at bata.

Ipinunto ni Pangilinan na kung hindi magiging agresibo ang social media sites ay maituturing sila na kabahagi ng krimen.

Facebook Comments