Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang P850 milyon na halaga ng pekeng mga produkto sa Binondo, Maynila at Sucat, Parañaque.
Ayon kay BOC Commissioner Rey Guerrero, sinalakay ng kanilang intelligence group ang warehouse units sa Binondo at Parañaque na naglalaman umano ng mga pekeng branded products.
Nakatanggap aniya sila ng ulat mula sa brand representative ng international brand ng sapatos na may mga gusali sa binondo na naglalaman ng pekeng bersiyon ng kanilang mga produkto.
Nang salakayin ang warehouse, nakita ang nasa 2,500 sako ng umano ay pekeng produkto tulad ng sapatos at damit na nagkakahalagang P700 milyon.
Natagpuan naman ang halong pekeng produkto mula sa mga lokal at international na brand mula sa dalawang warehouse sa Sucat, Parañaque, na nagkakahalaga naman ng P150 milyon.
Nasa kustodiya na ng customs ang mga pekeng produkto na kinumpiska alinsunod sa Republic Act no. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.