Nabigyan ng mga farm inputs at financial assistance ang mga magsasaka na apektado ng nagdaang kalamidad tulad ng pagputok ng bulkang Taal at pag-atake ng fall army worms.
Iniulat ni Department of Agriculture (DA) Chief Field Operations Service Director Roy Abaya na P567-milyon ang naibigay sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan noon ng tatlong magkakasunod na bagyo.
P463-milyon na halaga ng mga farm at fishery inputs at assistance ang naipamahagi sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Naglaan din ang DA ng P150-million para sa pagkontrol sa ‘fall army worm’ na umatake sa mga maisan sa Bicol Region.
Habang inilaan naman ang P28.4-milyon sa mga magsasaka na naapektuhan ng matinding tag-init sa Region 2.
Umaasa si Abaya na sa pamamagitan ng naturang mga interbensyon ay makababawi ang agriculture sector at makapagsimulang mapatatag ang suplay ng pagkain lalupa’t may kinakaharap pang pandemya.