Ilang concerned citizen ang dumulog sa DZXL Pulso ng Metro para ireklamo ang kawalan ng washroom o comfort room ng mga fastfood chains na nangungupahan sa isang gusali sa kanto ng UN Avenue at Taft Avenue sa Maynila.
Ayon kay Arnold Buñag, kumain siya sa isang “up and down” na fastfood chain sa nasabing gusali at nang magtanong siya sa crew ng restaurant kung saan ang kanilang CR , itinuro siya nito sa kabilang pinto ng building.
Nagulat aniya siya nang gumamit siya ng CR sa gusali dahil may bayad pala itong sampung piso.
Isa ring babaeng concerned citizen na tumangging magpa-interview ang kumain naman sa isa pang fastfood chain sa lugar ang nagsabing wala rin daw CR ang kaniyang kinainan na restaurant na nangungupahan din sa nasabing gusali.
Nakipag-ugnayan ang DZXL Pulso ng Metro kay Manila Public Information Office Head Julius Leonen at nangako ito na kanilang pupuntahan ang fastfood chains para personal na ma-inspeksyon.