Mga Festival sa Kapistahan ng Sto. Niño, dinagsa sa iba’t ibang bahagi ng bansa

Libu-libong mga katoliko ang nakiisa sa selebrasyon ng kapistahan ng Sto. Niño sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa Cebu City kung saan idinaraos ang Sinulog Festival, dinumog ang mga kalsada para sa Sinulog Grand parade.

Bago niyan, iba’t ibang programa rin ang idinaos mula pa noong nakaraang linggo para sa pagbibigay pugay sa Santo Niño o Banal na Sanggol na si Hesus.


Makukulay na damit ang suot ng mga nagtanghal, bitbit ang imahen ng Batang Hesus.

Sa Maynila naman, libu-libong deboto rin ang nakiisa sa mga aktibidad para sa pista ng Sto. Niño de Tondo.

Nagdaos din ng mga Misa, prusisyon at ang taunang “Lakbayaw Festival” na nilahukan ng tinatayang aabot sa 20,000 deboto.

Nasa ilang libong deboto rin sa Kalibo, Aklan ang nakiisa sa Ati-Atihan Festival noong Sabado kung saan nasa mahigit 30 tribu mula sa iba’t ibang bayan ang lumahok suot ang mga makukulay na damit at may pinta sa mukha at katawan na bahagi ng Sadsad Modern at Tribal Ati Contest.

Facebook Comments