Nais matiyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nasa maayos na kalusugan ang kanilang mga field personnel kaya naman isasailalim ang mga ito sa sa libreng Tuberculosis (TB) screening at chest X-rays.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, ang mga field personnel na ito ay itinuturing din nilang frontline workers.
Paraan din aniya ito ng ahensya na mabigyang tulong ang kanilang mga tauhan na araw-araw itinataya ang kalusugan para matupad ang tungkulin.
Katuwang ng MMDA sa naturang inisyatibo ang United States Agency for International Development (USAID).
Aabot sa 2,500 ang field workers ng MMDA na binubuo ng mga street sweeper at traffic enforcer na mataas ang exposure sa alikabok, toxins, vehicular smoke at iba pang emissions.
Sinabi naman ni MMDA Health and Environmental Protection Office Head Dr. Loida Alzona, sinumang ma-detect na TB-positive ay ieendorso sa Makati City government para sa libreng gamutan.