Ilan sa mga lumahok sa Challenge ay galing pa sa iba’t-ibang probinsya tulad ng Cavite, Nueva Ecija, Pangasinan, Ilocos Norte at Sur, La Union, Abra, at mula rin dito sa mga probinsya ng Lambak ng Cagayan kung saan mayroon itong kaukulang registration fee na 1,500 pesos.
Ang naturang Challenge ay kailangang matapos ng kalahok ang layong 800 kilometers sa loob lamang ng dalawampung oras kung saan nagsimulang umalis ang mga kalahok mula sa harap ng City Hall bandang alas dose ng madaling araw noong April 10 patungo sa rutang Ilocos Bangui, Ilocos Vintar, from ilocos vintar to bangued abra at Tabuk City, Kalinga pabalik dito sa Lungsod ng Cauayan para sa kanilang finish line.
Ayon kay Ginoong Jon Ramos, Head ng Ground marshal ng event, ilan sa mga participants ay hindi na nakaabot sa finish line o hindi na natapos ang Challenge dahil nasiraan ang mga ito habang bumabaybay sa kalsada at ang ilan naman ay hindi na itinuloy matapos magtamo ng minor injury sa katawan na agad namang naasikaso ng mga nakasunod na Medical Team.
Nilinaw nito na sa isinagawang Icon endurance Challenge ay walang naitalang casualty maliban lamang sa mga nagkaroon ng gasgas sa katawan matapos maaksidente bagay na hindi umano maiwasan sa mga ganitong kompetisyon. Paliwanag rin ni Ramos na itong Endurance challenge ay nakakatulong din para ma-promote ang mga tourism sites sa isang lugar.
Kaugnay nito, nasa dalawamput siyam (29) na mga riders ang ginawaran ng parangal bandang alas otso kagabi mula sa ibat ibang kategorya tulad ng Solo, Tandem, Duo, at Couple.
Tumanggap ang mga nanalo ng plaque at cash mula sa mga sponsors ng event habang ang mga hindi nanalo ay nabigyan naman ng Certificate of Participation.
Ayon naman sa isang rider na sumali sa Challenge na si Paulo Alingog De Capia, 33 years old, may asawa at dalawang anak, ikinagagalak nito na isa siya sa mga finisher at sa pamamagitan nito ay napatunayan niya ang kanyang pagiging responsableng driver sa kalsada.
Isang karangalan na rin para kay De Capia na makakatanggap ng Certificate at ang pag-uwi nito ng ligtas at buhay sa pamilya. Ang Icon 2022 Endurance Challenge ay bahagi pa rin ng selebrasyon ng Gawagaway-yan festival ng Lungsod ng Cauayan