Binigyan ng huling babala ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang mga fixer na nagkalat sa mismong city hall nila.
Ayon kay Gatchalian, hindi niya palalagpasin ang mga ganitong uri ng iligal na gawain kung saan nararapat lamang na patawan ng parusa ang mga gumagawa nito.
Ang babala ng alkalde ay kasunod ng reklamong kanilang natanggap hinggil sa isang nag-apply ng business permit na nabigyan ng pekeng dokumento para makapagpakabit ng metro ng kuryente.
Pero mismong ang electric company ang nakadiskubre na peke ang mga dokumento na nagmula sa Valenzuela City Hall kaya’t nakipag-ugnayan sila Office of the Building Official para alamin kung sino ang responsable.
Kaugnay nito, pina-iimbestigahan na ni Gatchalian kung sino o sino-sinong nasa likod ng pag-iisyu ng pekeng dokumento na kasabwat ng fixer.
Pinaalalahanan naman ng alklade ang publiko na mabilis at wala ng dapat alalahanin pa kung kukuha ng business permit sa ilalim ng bago nilang sistema.