Mga flight ng Philippine Airlines papunta at galing US, Canada at Middle East, ililipat na sa NAIA Terminal 1

Inanunsyo ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang flights ng Philippine Airlines (PAL) mula sa kasalukuyang Terminal 2.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co na magiging epektibo ito sa December 1 ngayong taon.

Ito ay para sa flights ng PAL na patungo at galing na Estados Unidos, Canada at Middle East.


Ayon sa opisyal, layunin ng hakbang na ito na mabawasan ang dami ng tao sa Terminal 2 at magamit ng husto ang Terminal 1 hanggang sa pumantay na ang kapasidad ng dalawang terminals.

Batay aniya sa kanilang pag-aaral, mababa ang utilization sa Terminal 1 dahil hindi pa bumabalik ang international travels.

Medyo restricted pa rin aniya ang market tulad ng China, Macao at Hong Kong, maging sa Korea at Japan na ngayon pa lamang nagsisimulang magbukas.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Co na ang Terminal 1 ay may 11,000 mga pasaheron kada araw habang ang Terminal 2 ay nasa 30,000 pasahero kada araw.

Kapag nabalanse aniya ang kapasidad ng dalawang terminal sa 20,000 pasahero kada araw, malaki ang mababawas sa congestion rate sa Terminal 2 lalo na sa gabi.

Facebook Comments